Kahapon, umatend ako ng miting sa DO. Mga ilang oras ang nakalipas dumating si Jerwin, isang schoolmate, isang kaibigan noong ako'y nakikipagbuno pa sa CLSU. Sa pag-uusap namin, nalaman namin na iisa pala ang nararamdaman namin sa aming propesyon bilang titser sa ngayon...Parehas kaming nakararamdam ng pagsasawa sa paulit-ulit naming ginagawa...gising.kain.linis.pasok.pirma.turo.galit.turo.turo.pirma.rekord.basa.tulog.gising.... "Badtrip na 'ko pare,paulit-ulit nalang" sabi namin sa isa't-isa.
Natapos ang miting, pumasok ako sa klase at nagturo.Dipa ko kumakain n'on mga bandang alas-dos na ng hapon. Naupo ako pagkatapos kong ibaba ang bag(sa araw-araw kase na ginawa ni Lord para kong magha-hiking sa kung saan) at isang aklat sa Law. Minasdan ko lang sila...mga estudyante..nag-uusap, nagkakaladyaan, nakaupo, nakatayo, nakalinga sa kung saan, nakatingin sa akin. Ewan ko ba...pero bigla akong napaisip. "Ano kaya kung layasan ko nalang mga 'to? Ano kaya kung tumigil na nga ako sa pagtuturo? Ano kaya kung humanap nalang ako ng trabaho?" "Oo nga...tutal parang wala namang nangyayari sa ginagawa ko." dugtong pa ng isip ko.
Kinagabihan, mga alas-otso, sa klase namin sa Administrative Law.Sisibat na sana muli ang isang ideya sa isip ko ng nag-vibrate ang aking cellphone....
1 message received...isang text mula sa estudyante---
" sir, gud pm po...tnx po talaga sa inyo...sa suporta...sa lahat...kayo po talaga ang nagpapatibay ng loob ko. tnx po uli..tnx po."
Napaisip ako. Hindi yun ang unang pagkakataon na makatanggap ako ng message na ganung tipo, sa katunayan marami-rami na rin nga sila.Pero, ngayon ko lang kasi naramdaman ang pagkabagot sa buhay-titser. Kaya siguro iba ang dating.
Kinaumagahan. Sa pagharap ko sa salamin, napangiti ako sabay nabanggit "sige nakakabagot man pero itutuloy ko pa ring magturo."
No comments:
Post a Comment